Sabado, Pebrero 14, 2015

“GUSTO KITA PERO HINDI MO PA ALAM”

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Natatakot  akong sabihin ‘tong nararamdaman
Baka kasi sa puso mo’y ako’y alangan
Siguradong masakit na pakiramdam kasi ang matanggihan

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Takot itong namamayani sa aking buong kalamanan
Hindi ko kasi alam kung ano ang kahihinatnan
Pagkatapos kong sabihin ang buong katotohanan

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Nag-iisip ako ng mga paraan
Kung paano ipagtatapat ang nilalaman
Ng pusong ikaw lang ang gusto higit kaninuman

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Hindi ako ‘yung tipo mo sa aking pakiramdam
Wala akong panama sa ibang lalaki diyan
Ako lang ‘yung torpeng laging nariyan kung kailangan

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Ako’y naguguluhan  sa kung  paano aaminin
Ang tunay na nilalaman ng aking damdamin
Na gusto ka ng tulad kong nakasalamin

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Sabi nila anuman ang maging kahinatnan
Basta daw ang mahalaga aking sinubukan
Na masabi ang matagal ng nararamdaman

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Hindi ko maalis na magkaroon ng positibong ekspektasyon
Ngunit alam ko sa aking sarili na hindi lang dun nagtatapos iyon
May mga bagay talaga na hindi mo kontrolado ang magiging konklusyon

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Hindi ko alam kung ano ang magiging kalalabasan
Maaring pagkatapos nito ay ako’y iyong iwasan
Anuman ang maging resulta dapat ako’y maging handa sa kahihinatnan

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Dapat kong sabihin itong nararamdaman
Puno man ako ng takot at alinlangan
Dahil sa bandang huli mahirap itong pagsisihan

Gusto kita pero hindi mo pa alam
“Mutual” man o hindi ang nararamdaman
Anuman ang mangyari gusto kitang ligawan
Kung ako’y iyong pahihintulutan

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Gusto ko sana ito sabihin ng buong katapatan
Kahit na pakiramdam ko ay babaliktad ang aking tiyan
Sa oras na ikaw ay nasa aking ng harapan

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Gusto ko sana na malaman mo itong aking damdamin
Tanging sa’yo lang ito aaminin
Na minamahal ka ng tulad kong torpeng nakasalamin

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Hindi ako guwapo o talentado tulad ng ilan
Hayaan mo na aking patunayan
Na meron din akong mga magagandang katangian

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Sana sa oras na sabihin ko ang aking nararamdaman
Ako’y umaasasa na maging maganda ang kalalabasan
Nitong pagtatapat na aking sisimulan

Gusto kita pero hindi mo pa alam
Matagal na ito aking nararamdaman
Gusto kong malaman mo na ikaw lang ang tanging nilalaman
Sa aking puso, matagal ng ikaw ang nananahan.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento