Miyerkules, Marso 5, 2014

W.E.L.G.A.

"Welga"


ni: Ariana Trinidad



Dadaanin sa sigaw,

Ang bulong ng utak,

Sa simulaing naligaw,

Malalim din ang babaw!


Sa kalsada ibabandera,
Mga watawat ng pagdurusa,
Laban ng kasama,
Ipakikibaka!

Ang pait sa damdamin
Ay tamis na gagamitin
Upang makapiling
Ang minimithing lilim.

Ang diwa ng unyon,
May pusong lilingon
Makakasumpong
Ng dakilang panginoon!

Huwag kalimutan
Ang pakikipaglaban
Ay hindi sandigan
Para sa sariling kapakanan!




Teoryang Realismo

a.      Ito ang teorya ng makatotohanang panitikan. Ito ay naglalarawan ng makatotohanang pangyayari sa buhay. Ang mga tauhan ay nagtataglay ng ordinaryong suliranin sa buhay at ang usapan ng mga tauhan ay parang natural.

b.      Pananaw Realismo

1)      Higit na mahalaga ang katotohanan kaysa kagandahan para sa realismo.

2)      Ang paraan ng paglalarawan ang susi at hindi ang uri ng paksa.

3)      Tumutukoy ito sa suliranin ng lipunan (sosyal, political, atbp)

4)      Naniniwala ang realismo na ang pagbabago ay walang hinto.

5)      Tumatalakay sa salungatan ng kapital at paggawa.

6)      Optimistiko ang pananalig na lalaya ng masa sa pagkakalugmok nito.

                                                                                                              

Ginamit ko ang Teoryang Realismo upang i-deconstruct ang tulang “Welga” ni Ariana Trinidad dahil ito ang sa tingin kong pinakabagay na Teoryang Pampanitikan para dito dahil ito ay tumutukoy o may kinalaman sa suliranin ng panlipunan.

Sa unang saknong ng tula makikita na inilalarawan ang mga makatotohanang pangyayari sa likod ng pagwewelga, ang tunay na kahulugan kung bakit kinakailangang magsagawa ng mga kilos protesta. Sa paraang pagsigaw sa mga pampublikong lugar  naipapahatid sa mga kinauukulan maging sa taumbayan ang mga hinaing patungkol sa mga mga bagay na naliligaw sa tamang landas. Mula sa mga isyung pambayan na kung saan lahat ay apektado.hanggang sa mga tiwaling opisyal na siyang sanhi kung bakit hindi ang buo ang tiwala ng mga mamamayan sa pamahalaan.

Sa ikalawang saknong naipapakita kung saan at paano isinasagawa ang welga na inoorganisa ng mga taong may pakialam sa mga nangayayari sa kanilang lipunang ginagalawan. Ang mga kalsada ang nagiging daan upang maipahatid ang mga hinaing upang magkaroon ng boses ang simpleng mamamayan na siyang direktang naapektuhan ng kahirapan at iba pang panlipunang problema.

Sa ikatlong saknong, optimistiko ang pananalig na lalaya ang masa sa pagkakalugmok sa mga samu’t-saring mga problema. Pinapakita ang totoong kalagayan ng mga raliyista. Nagsisilbing motibasyon sa kanila ang mga kahirapang kanilang nararanasan upang kumilos at gumawa ng aksyon upang  magkakaroon ng pagbabago.

Sa ikaapat na saknong naisasalarawan ang tunay na estado ng pagiging miyembro ng unyon o anumang organisasyon na siyang gumagawa ng mga demostrasyon tungkol sa mga isyung panlipunan. Naipapakita sa tulang ito na mas mahalaga ang katotohanang nangyayari sa tunay na buhay ng tao kaysa sa anu pa man.

Sa ikalima at huling saknong isang paalala ang iniiwan kung saan pinapaliwanang kung ano ba talaga ang pinaka esensya o ang dahilan kung bakit nakikipaglaban tungo sa inaasam na pagbabagong panlipunan.Ang pagwewelga sa mga lansangan at pakikipaggirian sa mga pulisya ay hindi tungkol sa pagkakaroon ng sariling benepisyo kung hindi patungkol sa kapakanan ng lahat.

Sa pangkalahatan, ang tulang “Welga” ni Ariana Trinidad ay patungkol sa pagpapakita ng mga makatotohanang pangyayari sa likod ng konsepto ng “welga” kaya bagay na bagay dito ang Teoryang Realismo.



Sources:

"Welga",http://halimbawa-tagalog-tula.blogspot.com/2011/07/maikling-tulang-pilipino.html (Date Retrieved March 5, 2014)


"Teoryang Pampanitikan", http://ranieili2028.blogspot.com/2011/12/teoryang-pampanitikan.html (Date Retrieved Mrch 5, 2014)

Miyerkules, Pebrero 19, 2014

Walking Around

Ang tagal ko nang nakatira dito sa Metro Manila pero ngayon ko pa lang napuntahan ang Intramuros, ang tinaguriang “Walled City”. Marami na akong mga nabasa at narinig patungkol dito. Sa pangalan pa lang nito, nagkaroon na akong palagay kung anu-ano ang mga makikita doon, kaya sa unang tapak ko dito ay sobrang saya at agad ko nang hinangaan ang kabuuan nito. “Historical site in a modern setting” ang agad na dating sa akin ng lugar. Napreserba ang mga istruktura na daang taon na ang tanda kasabay ng modernisasyon na bakas sa paligid kaya parang ang buong komunidad ng Intramuros ay sumasabay sa usad ng panahon. Isang malaking siyudad na ang bawat kalye ay may sariling kuwento.




“Welcome to Intramuros”, unang beses kong makapunta sa Intramuros kaya excited ako sa paglilibot dito. Noong una ay ayaw kong maniwala na Manila Cathedral na ang simbahan na nasa harap ko pero kalaunan ay napagtanto ko din. Kasalukuyan na inaayos ang naturang simbahan para manatili ang orihinal nitong itsura. Ang saying pagmasdan nito dahil kahanga-hanga ang architectural design ng simbahan kung saan makikita ang nagging impluwensya ng pananakop ng mga Espanyol sa Kamaynilaan. Isa pa sa nakakamangha ay ang buong sukat nito dahil hindi biro ang laki nito, halos doble o higit pa ang laki nito kumpara sa ibang simbahan.




Nagpatuloy ako sa paglilibot sa paligid ng Intramuros at sobrang nakakamangha dahil bawat kalye ito ay maganda at may kwentong sinasabi kaya bawat hakbangk o ay panay ang aking pagkuha ng mga pictures. Saan man ako lumingon ay meron at meron kang makikita ng bagay na kukuha ng iyong atensyon. Bawat kalye sa Intramuros ay walang tapon dahil bawat isa ay kakaiba.






Isa sa pinakamaganda ng lugar sa Intramuros ay ang mismong lugar kung bakit kakaiba ito sa lahat, ang pader sa paligid nito. Maganda ang tanawin mula ditto dahil tanaw dito ang mga kalapit na mga “iconic signs” ng Maynila tulad ng Manila City Hall. Ang gandang pagkakagawa ng naturang istruktura dahil nanatili ang bakas nito kung saang panahon ito nagawa. Nanatili pa din ditto ang mga “ruins” ng mga Espanyol tulad ng mga kanyon sa paligid. Pakiramdam ko nakikibahagi ako sa kasaysayan.







Masarap magpahinga dito matapos ang mahabang lakaran, nakakatanggal ng pagod ang mismong lugar.Presko sa pakiramdam dahil malakas ang hangin at nakakagaan ng pakiramdam ang ganda ng lugar. May mga puno sa paligid na nakakaganda ng paligid. Isa sa pa sa magandang katangian ng mga pader dito ay ang mga hagdan nito. Nakakaenganyo maglakad-lakad dahil na preserba ang buong lugar.Nanatili ang orihinal na itsura kaya mas lalong“authentic” at “unique” dahil para umusad ang isang bansa patungo sa hinaharap ay dapat pangalagaan ang nakaraan.









Maraming puwedeng mapuntahan sa loob ng Intramuros dahil nagkalat ang mga tagong lugar na puwedeng pasyalan tuladng Silahis Arts and Craft. Isa siyang tindahan na at the same time ay museum na din dahil lahat ng binebenta dito ay indigenous materials at talaga namang “Only in the Philippines”. Samu’t-saring mga bagay ang makikita, nakakabusog ng mga mata dahil kahit saan ka tumingin ay punong-puno ng mga bagay na magpapaalala sa iyo na masarap maging Pilipino. Magmula sa mga iba’t-ibang handicrafts, sculptures, paintings at iba pang mga abubot. Lahat ng tinitinda ay gawang kamay kaya kamangha-mangha kung paano nabuo ang bawat isa. Bukod dito ay pinapakita kung gaano kayaman ang ating bansa sa sining at kasaysayan kaya maganda ng dumaan ditto pagpupunta ka sa Intramuros, panigurado ng magiging sulit ang pagpasyal mo dito.











Matapos ang halos buong araw na pagpasyal sa Intramuros masarap kumain at tikman ang pagkaing gawa dito. Sa isang restaurant kami kumain, sa Illustrado. Kakaiba ang ambience ng buong lugar medyo “dim” ang  lights  kaya medyo “unique” siya sa ibang kainan. Maraming pictures sa bawat dingding kaya hindi naging masyadong boring ang paghihintay sa inorder na pagkain. Ham and Cheese Croissant ang aking inorder mukha kasi itong masarap at sulit dahil malaki ang serving nito. Malinamnam dahil masarap ang pinagsamang ham at cheese na palaman.  Medyo may kamahalan nga lang ang presyo kaya hindi magiging praktikal ang palagiang pagbili dito pero masarap ang mga pakain nila.



Ham & Cheese Croissant


Sa pangkalahatan naging masaya at exciting ang naging pagbisita ko sa unang pagkakataon sa Intramuros kasama ng aking mga kaibigan. Marami akong nakita at bagong karanasan uli ang aking naibahagi.








Miyerkules, Enero 29, 2014

Clearing Operation

Clearing Operation: Kinumpiska ng Market Development and Administration Department (MDAD) ng Quezon City ang gamit ng mga sidewalk vendors sa Cubao upang malinis at maisaayos ang bangketa ng naturang lungsod.. (January 28, 2014)

Miyerkules, Enero 22, 2014

Up! Up! and a Way!


https://www.facebook.com/photo.php?fbid=722293964462591&set=a.150697874955539.23448.100000459816407&type=1&theater

Samu’t-saring mga pagtaas na ang ating nararanasan sa mga pangunahing bilihin at serbisyo na sa araw-araw ay kinakailangan natin upang matawid ang isang buong araw. Magmula sa walang humpay na paglobo ng presyo ng petrolyo na kung maro-rollback man ay agad namang nababawi ng  isang bigtime price hike na kung titingnan ay lalo lang nakakawawa ang mga motorista. Sa mga bilihin naman ay talagang mabilis ang pataas ng presyo ng gulay, isda, manok o baboy na sinundan pa ng pagtaas ng bawat kilo ng bigas. Nagbabanta pa ang pagtaas ng pamasahe mula sa mga pampublikong transportasyon tulad ng jeep, bus at maging ang MRT at LRT Line 1and 2 at maging sa tubig .Ngunit hindi pa diyan nagtatapos ang kwento ng pagtaas ng presyo ng kung anu-ano dahil humahabol pa sa listahan ang pagtaas ng presyo ng kuryente.

        Tama, kuryente na kung saan ako, sila, ikaw na nagbabasa ng blog na ito at maging lahat ng tao ay kumukunsumo ng kuryente ay maapektuhan. Lahat ay nagtataasan na ang presyo ngunit ang sahod bawat manggagawang Pilipino ay nanatiling kakarampot, kulang, di sapat, walang kakayanang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailan upang mabuhay ng disente, iyong tipong nakakain ng tatlong beses sa isang araw. Kaya ang pagtaas ng presyo ng sebisyo ng kuryente ay siguradong sasaid sa bulsa ng bawat maralitang Pilipino.

Kamakailan lang pumutok ang balita tungkol sa nakaambang pagtaas ng singil sa kuryente sa mga buwan ng Disyembre ng nakaraang taon hanggang sa Marso. Alinsunod naman sa napagkasunduan ng mga kinauukulan tulad ng Meralco ay hinati ito sa tatlong buwan para hindi mabigla o mabigatan ang bawat consumer sa dagdag na singil ngunit kahit pagbalik-baliktarin ang sitwasyon ito pa rin ay mabigat at magiging panibagong pasanin ng bawat mamamayan. Ang di umanong rason ng Meralco kung bakit kailangan magtaas ng singil ay napilitan silang bumili ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market na mas mahal dahil naka-apekto di-umano ang pansamatalang pagsasara ng Malampaya natural gas plant sa Palawan na sinabayan pa ng ibang plantang pinagkukunan ng kuryente ng Meralco na pinaghihinalaang nagkuntsabahan para makontrol ang presyo ng kuryente. Sa ngayon, may Temporary Restraining Order o TRO na inisyu ang Korte Suprema upang pansamantalang pigilin ang pagkakaroon ng dagdag singil sa kuryente.(Amargo-Garcia, 2013)

Una sa lahat ako ay hindi pabor sa pagtaas ng kuryente dahil para sa akin hindi ito makatarungan at walang basehan. Kailangan imbestigahan ang anomalya sa likod nito dahil kaduda-duda umano na matagal nang naka-schedule ang maintenance sa Malampaya power facility subalit wala man lang hinanap na alternatibong source ng kur­yente ang Deparment Of Energy para mapunan ang magiging pagkukulang na idudulot nito. Kasama din dito ang sinasabing sabwatan na nangyari sa pagitan ng iba pang plantang pinagkukunan ng kuryente ng Meralco na sabay-sabay din na nag-shut down. Dagdag pa dito, napakabigat ng panibagong dagdag singil sa kuryente. Karamihan sa ating mga kababayan ay ginawa na ang lahat ng paraan para makatipid at mapagkasya ang kung ano mang kinikita nila sa araw-araw para makaraos. Hindi rin marapat na gawing dahilan ang mga sira sa mga planta dahil dapat meron itong regular na inspeksyon at maintenance.



Masyado ng pinahihirapan tayong mga mamamayan sa sunud-sunod at walang patid na pagtaas ng kung anu-ano na siyang nagdudulot sa mas lalong pagkalugmok natin sa kumunoy ng kahirapan. Sana gumawa ng paraan ang gobyerno para masolusyonan ang problemang ito dahil tungkulin ng gobyerno na bigyan ng murang serbisyo  ang mga mamayan nito. Sa ngayon tayong lahat ay kailangang mas higpitan ang sinturon para makasabay sa mabilis na pagtaas ng mga bilihin at serbisyo ngunit kasabay nito maging mapanuri at makialam sa mga nangyayari sa ating lipunang kinabibilangan.


Sources:




https://pulpolitika.wordpress.com/tag/meralco-meme/ (Date Retrieved: January 22, 2013)


Martes, Enero 7, 2014

Sheet of Facts!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!



http://www.youtube.com/watch?v=RgtGCZ9eXAA


Hi everyone!!!!!!!!!!! Fun Facts and Trivias. Pagpasensiyahan niyo na medyo malabo pero clear naman ang audio. Hope you like it